MANILA, Philippines — Umaabot na sa kabuuang 4,646 ang mga kandidato para sa 2025 National and Local Elections (NLE), na nakapagrehistro na ng kanilang official social media accounts sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec).
Sa datos ng Comelec, ang naturang bilang ay naitala hanggang noong Disyembre 7, 2024 lamang.
Kabilang dito ang 27 senatorial candidates; 4,500 local aspirants; at 119 party-list groups, organizations at coalitions.
Samantala, nasa 2,509 kandidato naman ang nagsumite na ng hard copies ng kanilang mga dokumento sa poll body.
Hindi anila kasama dito ang 53 pribadong indibidwal na nagpadala ng hard copies ng dokumento, bago na-promulgate ang Comelec Resolution 11064-A.
Una nang ipinag-utos ng Comelec ang pagrerehistro ng social media account ng mga kandidato na gagamitin sa pangangampanya, bilang bahagi ng kanilang inisyatiba na i-regulate ang digital election campaigning para sa halalan sa susunod na taon.
Ang deadline para sa pagrerehistro ng online campaign platforms ay hanggang Disyembre 13, na lamang at walang plano ang poll body na palawigin pa ito.