Quad Comm isasapubliko na ‘progress report’ ng EJK, illegal drugs, POGO

MANILA, Philippines — Isasapubliko na ng House Quad Committee ang progress report nito sa isinagawang imbestigasyon sa extra judicial killings (EJK), droga at iligal na mga aktibidad na inuugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Sinabi ni panel Chairman Rep. Robert Ace Barbers, ipriprisinta ng mega panel ang partial report bago mag-recess ang sesyon ng Kongreso sa Disyembre 21.

Nilalayon nito na hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang mga inirekomendang panukala at isama ito sa legislative agenda ng administrasyon.

Inihayag ni Barbers na apat na remedial mea­sures ang kanilang imumungkahi kabilang ang amyenda sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Isa rin dito ang panukalang batas na nagdedeklara sa EJK bilang heinous crimes at may kaparusahang maximum penalty sa mga lalabag sakaling maisabatas ito.

Sa pagdinig ng Quad Comm, nadiskubreng maraming mga Chinese na nagpapanggap na Pinoy ay nagtayo ng mga korporasyon, bumili ng mga lupain at mga gusali na ginamit ng mga ito sa kanilang illegal na aktibidad kabilang na ang ni-raid na isang bodega sa Brgy. Malino, Mexico, Pampanga kung saan nasa P3.6 bilyong shabu shipment ang nakumpiska noong Set­yembre 2023.

“Isa sa lalabas sa aming recommendation ay ‘yung kung meron bang pananagutan ang mga taong gobyerno sa mga tiwaling nangyari o doon sa mga anomal­yang nangyari,” sabi ni Barbers.

“‘Yung teorya namin na merong kinalaman ‘yung droga doon sa illegal POGO operations at doon sa paglo-launder ng pera, eh ‘yan ang ­aming papatibayan,” wika niya.

Show comments