MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na desisyon na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr, at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang deployment ng navy vessels na susuporta sa mga barko ng Pilipinas habang isinasagawa ang ‘Philippine mission” sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson on the WPS, ang AFP ang siyang dapat na gumawa ng rekomendasyon habang ang Pangulong Marcos naman ang may pinal na desisyon sa isyu bilang commander-in-chief.
Ani Tarriela, nakasuport lamang ang PCG sa anumang desisyon at hakbangin ng pamahalaan.
“As far as the Philippine Coast Guard [is concerned], we are going to support whatever decision that the Armed Forces of the Philippines and our Commander-in-Chief will carry out,” ani Tarriela.
Sinabi ni Tarriela na namataan ang barko ng Peoples Liberation Army na nakabuntot sa PCG vessel sa layong 300 yards nitong Miyerkules ng umaga habang patungo sa BRP Datu Pagbuaya, na binugahan ng water cannon ng China Coast Guard (CCG).
Binigyan diin naman ni NMC spokesman Undersecretary Alexander Lopez na sa kabila ng pangha-haras ng China, hindi naman gaganti ang Pilipinas. Lalayo na lamang ang mga barko ng Pilipinas at magsasagawa na lang sila ang monitoring activities.
“Hindi natin puwedeng ilapit ‘yun kasi maggigirian lang. It will escalate the situation (We cannot deploy it because it might lead to the escalation of the situation),” ani Lopez.
Nilinaw ni Tarriela na bagamat hindi niya nirerekomenda ang anumang aksiyon laban sa PLA Army, may mga pagkakataon na maaari itong ikonsidera sa ilalim ng mga polisiya.