MANILA, Philippines — Nangako si Atty. Benhur Abalos Jr., kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng Alyansa Para sa Pagbabago 2025, na palalakasin ang mga polisiya laban sa korapsyon upang suportahan ang kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa katiwalian.
Inilabas ni Abalos ang pahayag kasunod ng talumpati ni Pangulong Marcos sa 5th State Conference on the United Nations Convention Against Corruption (Uncac) Implementation and Review sa Malacañang.
“Sa Tama at Tapat na Pagkilos at Bagong Pilipinas, walang corrupt,” ani Abalos, ang unang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Sa nasabing UNCAC conference, inulit ni Marcos ang determinasyon ng kanyang administrasyon na labanan ang korapsyon, na inamin niyang pinahihirapan ng mga sistematikong kahinaan at pabagu-bagong pampulitikang kalagayan.
“The war against corruption is far from over,” ani Marcos, na muling tiniyak ang dedikasyon ng kanyang gobyerno na makipagtulungan sa United Nations at mga kasaping bansa upang itaguyod ang mga pandaigdigang pamantayan laban sa katiwalian.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng reporma sa mga institusyon at mahusay na pamamahala upang malabanan ang negatibong epekto ng korapsyon sa tiwala ng publiko at paglago ng ekonomiya.
Sinabi naman ni Abalos na panahon na upang tutukan ang mga puwang sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas laban sa korapsyon at ang pangangailangan para sa mas mahigpit na mga regulasyon.