Indefinite suspension ng LTO deadline sa temporary plates, ‘wagi’ para sa MC riders
MANILA, Philippines — “Isang panalo para sa motorcycle riders.”
Ganito isinalarawan ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang inilabas na ‘indefinite suspension’ ng Land Transportation Office (LTO) sa utos nitong ipagbawal ang paggamit ng temporary license plates mula Enero 1, 2025.
“Ang suspensyon ng LTO ‘until further notice’ sa December 31deadline nito ay papawi sa pangamba ng motorcycle riders. Makapaghanapbuhay sila nang matiwasay at walang pangamba na sila’y maaaring hulihin at pagmultahin,” ani Tolentino.
Nakipag-diyalogo si Tolentino noong Martes sa mga kasapi ng Motorcycle Taxi Community Alliance (MTCA), na nagsagawa ng protesta sa harap ng Senado sambit ang tanong na, ‘Nasaan ang plaka?’
Ayon sa MTCA, marami sa kanilang mga miyembro ang naghihintay na ng maraming buwan, at kahit taon, para sa kanilang opisyal na plaka para sa kanilang motorsiklo.
Nangako ang senador na tutulungan ang mga rider na iparating ang kanilang mga hinaing sa kinauukulan. Nauna nang nanawagan si Tolentino para ipagpaliban ang September 1 deadline ng LTO, na iniurong naman ng ahensya sa Disyembre 31.
- Latest