Chopper muntik bumangga sa windmill sa Rizal
MANILA, Philippines — Sa ikatlong pagkakataon ay muling nalagay sa bingit ang buhay ni Senator Christopher “Bong” Go matapos na muntik nang sumalpok sa windmill sa Pililla, Rizal ang sinasakyang helicopter ng kanyang team habang patungo sa Mabitac, Laguna para mamahagi ng ayuda sa mga residente at pasinayaan ang bagong Super Health Center doon noong Lunes.
Nabatid na habang papunta sa event, napilitan ang kinalululanang helicopter ni Go na mag-emergency landing sa Pililla, Rizal, dahil sa malalang kondisyon ng panahon.
“Napilitan ang aming piloto na mag-emergency landing sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Pililla, Rizal dahil sa zero visibility. Sa sobrang lakas ng ulan at kapal ng fog, muntik na naming mataman ang windmills doon,” kuwento ni Go.
Pangatlong pagkakataon na ito na muntik nang madisgrasya si Go dahil sa pagtupad sa tungkulin bilang lingkod-bayan.
“Ang Diyos ay mabuti sa lahat ng oras. Basta maganda ang layunin mo, hindi ka Niya pababayaan. May good karma talaga ang pagtulong sa tao,” aniya. “Kapag oras mo na, oras mo na talaga. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang pagprotekta sa amin.”
Sinabi ni Go, gayunman na hindi siya natatakot mamatay habang nagseserbisyo para sa mga Pilipino, lalo sa mga mahihirap. Naniniwala siya na isang malaking karangalan ang mabuhay at mamatay habang nagsisilbi para sa bayan.