PhilHealth: Dental services, sakop na ng benefit packages

Ayon sa PhilHealth, ang mga naturang serbisyong kasama sa landmark package ay ang mouth examination/oral screening, dental prophylaxis o cleaning, at fluoride varnish application.
Philstar.com / Irra Lising

MANILA, Philippines — Isasama na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kanilang healthcare benefit packages ang dental services.

Inaprubahan ng kanilang Board of Directors en banc ang paglalahok sa dental services sa kanilang healthcare benefit packages, kasabay ng paglahok ng bansa sa kauna-unahang World Health Organization (WHO) Global Oral Health Meeting (GOHM) sa Bangkok, Thailand, na tumatakbo mula ­Nobyembre 26-29, 2024.

Ayon sa PhilHealth, ang mga naturang serbisyong kasama sa landmark package ay ang mouth examination/oral screening, dental prophylaxis o cleaning, at fluoride varnish application.

Sakop rin anila nito ang fissure sealants, Class V procedures, emergency tooth extractions, at dental consultations.

Sa ilalim ng naturang health package, inaprubahan ng PhilHealth Board ang maximum payment na P1,000 kada pasyente sa bawat taon para sa preventive oral health services.

P300 sa unang pagbisita, sakop ang mouth examination/oral screening, oral prophylaxis (cleaning), at fluoride varnish application; panibagong P300 para sa ikalawang pagbisita, na may apat na buwan ang pagitan mula sa unang pagbisita, para sa kaparehong serbisyo.

At P200 pa kada ngipin, na may maximum na dalawang ngipin, para sa pit at fissure sealant o Class V procedure.

Ang co-payments ay ipagbabawal para sa public dentists habang ang private dentists ay pahihintulutan ng maximum co-payment charges sa bawat pagbisita ng P1,500 sa mouth examination at oral prophylaxis; P600 sa pit at fissure sealant o Class V procedure; at P600 sa emergency tooth extraction.

Show comments