Pangulong Marcos sa militar: ‘Wag makinig sa ingay ng pulitika

President Ferdinand Marcos Jr. faces the Southern Command of the Armed Forces of the Philippines in Southern Luzon Command in Lucena City, Quezon on Nov. 29, 2024.
Presidential Communications Office / Release

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga sundalo na huwag padala sa mga ingay sa pulitika at sa halip ay magtuon na lamang sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.

“Huwag kayong ­nalilinlang sa mga nangyayari. Let’s stay focused,” pahayag ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa  Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp General Guillermo Nakar, Quezon.

Ipinaalala rin ng ­Pangulo na ang trabaho ng mga sundalo ay pagandahin ang Pilipinas at hindi para makipag-away sa walang kwentang bagay.

“Ako, pagka mara­ming maingay na nangyayari, iniisip ko lagi na ano ba talaga trabaho ko? Trabaho ko ba’y makipag-away diyan? Trabaho ko ba makipagdebate diyan sa mga walang kwentang bagay? Hindi, ang trabaho ko ay pagandahin ang Pilipinas. Kayo naman, may mission din kayo,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin pa ni Marcos na iisa ang misyon ng lahat at ito ay ang ipagtanggol ang sambayanan at ang Republika ng Pilipinas.

Samantala, muli ring ipinahayag ng Pangulo ang buong suporta ng administrasyon sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at lahat ng tagapaglingkod sa ilalim ng SOLCOM.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga sundalo sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa bayan kung saan hinimok din silang ipagpatuloy ang kanilang mahusay na trabaho para sa mas ligtas at progresibong Pilipinas.

Show comments