MANILA, Philippines — Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang mga apelang inihain ng 18 senatorial aspirants, na una nang idineklarang nuisance candidates para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Sa listahang inilabas ni Comelec Chairman George Erwin Garcia kahapon, kabilang sa mga naturang nuisance candidates ay sina Francis Leo Antonio Marcos; Felipe Fernandez Montealto Jr.; Orlando Caranto de Guzman; Mauel Lim Andrada; Sonny Miranda Pimentel; Elpidio Rosero Rosales Jr. at Jaime Balmas.
Kasama rin sina Pedro Gonzales Ordiales; John Rafael Campang; Robeito Sembrano; Romulo Tindoc San Ramon; Fernando Fabian Diaz; Luther Gascon Meniano; Romeo Castro Macaraeg; Subair Guinthum Mustapha; Monqiue Solis Kokkinaras; Berteni Cataluna Causing at Alexander Encarnacion.
Nabatid na nasa 117 senatorial aspirants ang idineklarang nuisance candidates ng poll body.
Nasa 21 sa kanila ang naghain ng motion for reconsideration sa Comelec upang hilinging mabaligtad ang desisyon.
Nasa 18 pa lang sa mga apela ang ibinasura na.
Asahan na rin aniyang pagsapit ng Disyembre 13 ay maisasapinal na nila ang listahan ng mga kandidato at mareresolba ang lahat ng apela sa en banc level.