Pag-disqualify kay Erice sa 2025 polls, pinaboran ng Comelec

MANILA, Philippines — Diniskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si congressional aspirant Edgar Erice sa pagtakbo sa 2025 midterm polls, bunsod umano ng pagpapakalat ng mga ­maling impormasyon.

Pinaboran ng Comelec Second Division, na binubuo nina Commissioners Marlon S. Casquejo, Rey E. Bulay, at Nelson Celis, ang petition for disqualification na inihain ni Raymond Salipot laban kay Erice dahil sa paglabag sa mga probisyon ng Omnibus Election Code (OEC).

Ayon sa Comelec, ang mga ebidensiya laban kay Erice ay nagpapakita ng “sistematikong pagpapakalat ng hindi napatuna­yang impormasyon na direktang sumisira sa tiwala ng publiko sa Comelec at sa proseso ng eleksyon.”

Binigyang-diin ng resolusyon na ginamit umano ni Erice ang iba’t ibang media platform upang palaganapin ang maling impormasyon, na nagdulot ng kalituhan sa mga botante at pagsira sa kredibilidad ng electoral system.

“Ang ganitong gawain ay hindi maituturing na lehitimong kritisismo kundi malinaw na tangkang guluhin ang eleksyon,” ayon sa Comelec.

Pinanindigan din ng Comelec na ang desisyon ay hakbang upang tiyakin ang kaayusan at integridad ng halalan.

Nauna nang sinabi ni Erice na wala siyang nilabag sa election omnibus code at posibleng napikon lamang sa kaniya ang Comelec sa patuloy niyang pagbatikos sa Miru voting machines na gagamitin sa halalan.

Show comments