DOH: Dengue cases sa Pinas, tumataas

Nagsagawa ng misting operations ang kawani ng Manila Disaster Risk Reduction and ­Management Office (MDRRMO) sa Timoteo Paez Elementary School sa Balut, Tondo kahapon. Ayon sa DOH, tumaas ang kaso ng dengue sa bansa sa 340,860 mula Enero-Nobyembre ngayong taon.

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health (DOH) kahapon na nakakapagtala sila nang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, base sa monitoring ng Epidemiology Bureau ng DOH, mas mataas ang dengue infections na naitala nila sa mga buwan ng Setyembre, Oktubre at Nobyembre ngayong taon kumpara noong 2023.

“It’s really the season of dengue. The curve of this year, September-October-November curve this year compared to last year is an 81-percent curve higher,” ayon pa kay Herbosa.

Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ng health chief sa mga lokal na punong ehekutibo na magsagawa ng mga pamamaraan upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng naturang sakit, na nakukuha sa lamok.

Kabilang na aniya rito ang paglilinis ng kapaligiran upang walang pamahayan ang mga dengue-carrying mosquitoes.

Pinayuhan din naman niya ang publiko na maging maingat upang hindi makagat ng lamok.

Una na rin namang nagbabala ang kalihim sa publiko hinggil sa posibleng pagtaas ng respiratory illnesses, gaya ng ubo, sipon at maging COVID-19 dahil sa paglamig ng panahon, ngayong nagsisimula na ang Amihan season.

Show comments