MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Department of Justice (DOJ) na hindi nila idini-designate si Vice President Sara Duterte bilang isang terorista.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni VP Sara na balak siyang sampahan ng pamahalaan ng kasong paglabag sa Anti-Terror Law upang makansela ang kanyang pasaporte at ma-freeze ang kanyang assets at hindi niya magamit ang mga ito.
“Hindi naman po kasi siya dine-designate as a terrorist,” paglilinaw ni Justice Undersecretary Jesse Andres, sa panayam sa radyo.
Ipinaliwanag pa ni Andres na pinapanagot lamang ang bise presidente matapos sabihing may kinausap na siyang tao upang pumatay kina Pang. Ferdinand Marcos Jr., kanyang maybahay na si First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
“Wala pong ginagawang ganyan sa bise presidente. ‘Wag po niyang pangunahan ang gobyerno. Wala pong ganyang ginagawa. ‘Yung act po ng pananakot niya, ‘yun po ang pinapanagot siya,” dagdag pa niya.
Nauna rito, pinadalhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si VP Sara upang pagpaliwanagin sa banta niya sa buhay ng First Couple at ng House Speaker.
Paliwanag pa ni Andres, inisyuhan si VP Sara ng subpoena upang mabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag hinggil sa kanyang ginawa, lalo na at ang kanyang banta sa pangulo at hindi lamang sa pag-iisip, kundi sinimulan na niyang gawin.
Tinukoy pa ni Andres ang Section 4 ng Anti-Terror Law, kung saan nakasaad na aniya na, “... the acts of terrorism and one of the acts defined there as punishable in Section 4 of the Terrorism Law is when one engages in acts intended to cause death or serious bodily injury to any person. Or endangers a persons life.”