Kaya dinisqualify: Comelec ‘pikon’ na kay Erice

MANILA, Philippines — Mistulang ‘pikon’ na kay dating Caloocan City 2nd District Congressman Egay Erice ang Commission on Elections (Comelec) kaya diniskuwalipika ito na tumakbo sa 2025 midterm elections.

Sa press conference, sinabi ni Erice na ang diskuwalipikasyon na inilabas ni Comelec Chairman George Garcia laban sa kanya ay bunsod ng galit nito dahil sa walang tigil niyang pagkuwestiyon sa kontrata at paggamit ng makina ng Miru. Lumabas ang disqualification ni Erice nitong Miyerkules ng hapon.

Aniya, dahilan ng Comelec sa kanyang diskuwalipikasyon ay ang panggugulo sa eleksiyon at pag-impluwensiya sa mga botante na mawalan ng tiwala sa ahensiya.

Kasama ang kanyang legal counsel na si Atty Rolando Asuncion, sinabi ni Erice na wala siyang ginagawang gulo at pag- iimpluwensiya sa mga botante dahil wala pang nagaganap na halalan.

Lumitaw na posible ring bahagi ng kanyang diskuwalipikasyon ang ugnayan umano ni Garcia kay Cong. Mitch Cajayon na kanyang makakalaban sa pagka-kongresista. Si Garcia ang legal counsel ni Cajayon sa kanyang electoral protest bukod pa sa pagiging ninang sa kasal.

Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration si Erice at tiniyak na hindi siya titigil na kuwestiyunin ang anomalya ng Comelec.

Show comments