MANILA, Philippines — Isinusulong ni dating kalihim Atty. Benhur Abalos Jr., ang wastong nutrisyon bilang susi sa maayos na pagkatuto ng mga kabataang mag-aaral, na kaniyang napatunayan bilang dating alkalde ng Lungsod ng Mandaluyong.
Binigyang halimbawa ni Abalos ang nakamit ng Lungsod noong siya ay nanunungkulan pa bilang alkalde. Aniya, nakamit ng Mandaluyong ang isa sa pinakamataas na karangalan sa larangan ng nutrisyon sa pamamagitan ng mahusay na pagpapatupad ng mga programa at proyektong pangkalusugan. Patuloy na kinikilala ang Mandaluyong City hanggang sa kasalukuyan.
“Yung simpleng hakbang tulad ng tamang nutrisyon sa eskwelahan, malaki ang epekto sa kalusugan at talino ng ating mga anak. Kung nagawa namin sa Mandaluyong, kaya rin itong gawin ng iba’t ibang LGU sa buong bansa,” banggit ni Abalos.
Dahil sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga mamamayan, lalung-lalo na ng mga mag-aaral, kinilala ang Schools Division Office of Mandaluyong City bilang top performing school division sa katatapos na National Achievement Test o NAT. Hinirang naman na top performing school sa buong bansa ang City of Mandaluyong Science High School sa parehong taon, 2022-2023.
“Malaki ang kaugnayan ng wastong nutrisyon sa mahusay na performance sa paaralan,” giit ng dating kalihim ng DILG.