AKAP sa minimum wage earners, malaking tulong - Rep. Garin

House Deputy Majority Leader Janette Garin on November 21, 2024
House of Representatives of the Philippines

MANILA, Philippines — Kinilala ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang kahalagahan ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) makaraang aprubahan ng Senado ang 2025 General Appropriations Bill (GAB) hindi kasama dito ang pagpopondo sa naturang programa.

Sinabi ni Garin na ang panukalang P39 billion budget ng AKAP ay direktang magbebenepisyo ang higit 12 milyong low-income pinoy na kapos para makapamuhay ng maayos.

“Napakalaking tulong nitong AKAP sa mga manggagawang kulang ang kinikita. Under the AKAP, we are able to help those who are also helping themselves,” sabi ni Garin.

Anya, ang AKAP ay nagsisilbing safety net sa mga indibidwal na naghihikahos sa buhay na hindi covered ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) ng pamahalaan.

“This program bridges the gap for those who are ineligible for regular assistance yet are vulnerable due to low wages and the high cost of food and other essential items,” dagdag ni Garin.

Target ng AKAP na bigyan ng social assistance ang mga taong kasama sa pinakamahirap na sektor pero kapos sa gastusin dahil sa epekto ng mataas na inflation. Natutulungan ng Akap na makabili ng kanilang pangunahing pangangailangan kahit mababa ang sahod.

Ang pahayag ni Garin ay bilang reaksyon sa mga kritisismo sa Senado na hindi prioridad ng AKAP ang poorest populations.

“Tila hindi alam ng ating mga senador ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga minimum wage earners,” dagdag ni Garin

Binigyang diin ni Garin na kailangang maibalik ang pagpopondo sa AKAP dahil may malaking papel itong ginagampanan na suportahan ang milyong pinoy na umaasa sa tulong ng pamahalaan para makapamuhay ng maayos ang mga pamilya.

Show comments