Bong Go: Maling paggamit sa HEA, talupan
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ng masusing siyasatin ang ulat na maling paggamit ng ilang local government units (LGUs) sa Health Emergency Allowances (HEA) para sa healthcare workers.
Sa pagdinig noong Lunes na isinagawa ng kanyang komite, binigyang-diin ni Go na agad tugunan ang isyu na nakaaapekto sa manggagawang pangkalusugan.
“Services rendered po ito, pinagpawisan na po nila ito. Wala pong ibang dapat makinabang d’yan kundi ang ating health workers na bayani ng pandemya,” ayon kay Go.
Sa session, iniulat ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Health (DOH) ang disbursement ng P27 bilyon na inilaan para sa hindi nabayarang HEA sa taong 2024.
Ang mga pondo, ayon kay DOH Undersecretary Achilles Bravo, ay inilabas sa iba’t ibang yugto: P10 bilyon noong Hulyo, P9 bilyon noong Agosto, P4 bilyon noong Setyembre, at P2.9 bilyon noong Oktubre.
Ayon sa mga reklamong natanggap ng DOH, ilang local leaders ang pinigil ang allowance na para sa healthcare workers upang ibigay sa ibang frontliners, tulad ng mga pulis na sangkot sa COVID-19 response efforts.
“Like for example, PHP 50,000 ‘yung (dapat) natanggap ng beneficiary. Ang binibigay lang ng mayor is only PHP 30,000 to PHP 40,000. Binubulsa ‘yung 10%,” sabi ni Bravo.
Sinabi niya na ang ganitong gawain ay labag sa batas na espisipikong nagsasabi na ang HEA funds ay eksklusibo lamang sa healthcare workers.
Dahil dito, hinimok ni Go ang DOH na imbestigahan nang maigi ang mga alegasyong ito.
- Latest