Sedition iniumang vs VP Sara

Vice President Sara Duterte held a two-hour press conference she dubbed the “Drag Me to Hell Presscon” at the Office of the Vice President in Mandaluyong City on Friday, Oct. 18, 2024.

Isu-subpoena ng NBI…

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na kakasuhan si Vice President Sara Duterte dahil sa bantang pagpatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na kabilang sa mga kasong maaaring isampa sa Bise Presidente ay kasong kriminal at administratibo. Pinag-aaralan na rin ng DOJ ang kasong sedition.

Paliwanag pa ni Andres, nakakaalarma ang pahayag ni Duterte kaya kikilos ang gobyerno para protektahan ang inihalal na Presidente.

Inatasan na rin aniya niya ang lahat ng law enforcement agents para imbestigahan ang kinaroroonan ng taong inutusan na nagtatangka sa buhay ng presidente.

Ayon kay Andres, hindi ito ang unang pagkakataon na pinagbantaan ni Duterte ang buhay ni Pangulong Marcos. Ang una ay nang sabihin nito na gusto niyang pugutan ng ulo si Marcos.

Samantala, sa lalong madaling panahon ay hahainan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena si VP Duterte.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, hindi nila maaaring hindi imbestigahan ang isyu dahil ang buhay ng Pangulong Marcos ang nakasalalay dito. Dahil napatunayan na hindi gawa sa artificial intelligence at deepfake ang video ng pangalawang pangulo, isusunod nila na matukoy at matunton ang kinaroroonan ng sinabi nitong assassin na kanyang kinontrata para pumatay sa mag-asawang Marcos at kay Romualdez.

“Una naming ginawa is to check kung ito ay fake pero nakita namin  na authenticate ang threat,” ayon kay Santiago. - Mer Layson

Show comments