MANILA, Philippines — Dapat hintayin ang eleksiyon ng mga gustong baguhin ang rehimen ng gobyerno at gustong subukan ang lakas ng mga mamamayan, ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile nitong Linggo.
Sa kanyang post sa Facebook, ipinaalala ni Enrile na pinaiiral sa bansa ang demokrasya at kahahalal lamang ng presidente at bise presidente sa ilalim ng Konstitusyon pero lumalabas na may mga taong gustong baguhin ang rehimen.
“We are a democracy. We just had recently elected a president and a vice president under our Constitution. Now, it seems, some people want a regime change. What do we really want? A Leninism? A Maoism? A Fascism? A Banana Republic? WHAT? If we want to test our popular strength, why don’t we wait for the coming mid-election next year?” ani Enrile sa kanyang post.
Ginawa ni Enrile ang pahayag matapos pagbantaan ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ni Enrile, kabilang sa mga naglunsad ng kudeta laban sa namayapa ng ama ng presidente na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986 na ang mga nagnanais magkaroon ng “regime change” ay dapat maghintay sa 2026 national election at linawin kung ano talaga ang gusto nila.
Iginiit pa ni Enrile na dapat ilantad at pagdebatihan ang nais mangyari ng mga gustong magkaroon ng pagbabago sa kasalukuyang rehimen.
Umapela rin si Enrile sa mga mamamayan na huwag sumunod na parang mga tupa sa mga “alarmist adventurers” na nagkukunwaring makabansa pero may masamang hangarin.