Kredibilidad ni Acierto, kinuwestyon ni Rose Lin

MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Congressional aspirant Rose Nono Lin ang kredibilidad ni dismissed P/Col. Eduardo Acierto na tumayong saksi sa imbestigasyon ng House Quad Committee hinggil sa war on drugs ng nagdaang administrasyong Duterte.

Binigyang diin ni Nono Lin na si Acierto na dating miyembro ng PNP Anti-Narcotics Unit ay nasangkot sa P11-bilyong halaga ng smuggled drugs na nasa loob ng isang magnetic lifters na natagpuan sa Manila International Container Port (MICP) at sa isang warehouse sa Cavite noong 2018 at may P10 milyong patong sa ulo.

Si Acierto ay sangkot din sa kaso ng illegal na pagbebenta sa higit 1,000 high-powered firearms na may hala­gang P52 milyon sa communist insurgents noong Aquino administration at umanoy sangkot sa pagdukot sa South Korean businessman Jee Ick-Joo na natagpuang patay sa loob ng Kampo Krame noong October 18, 2016.

Ang pahayag ay ginawa ni Nono Lin makaraang sabihin ni Acierto na ang kanyang asawang si Lin Wei Xiong na isang Hong Kong national at ang drug personality Allan Lim ay iisa lamang.

Ang bagay na ito ay naisumite ni Acierto sa kanyang report noong 2019 sa panahon ni dating PNP Chief Oscar Albayalde at dating PDEA Director General Aaron Aquino.    

Sinabi naman ni dating PDEA chief Wilkins Villanueva sa House Quad Committee na ang ulat ni Acierto ay hilaw at hindi beripikado dahil walang sapat na katibayan na nag-uugnay kay Lin Wei Xiong sa illegal drug trade.

Sinabi ni Nono Lin na kung si Acierto ay nagsasabi ng totoo, bakit hindi siya lumabas sa kanyang lungga at harapin ang mga kasong kinasasangkutan nito.

Binigyang diin ni Nono Lin na ang kanyang asawa ay walang anumang warrant o kaso na naka-pending sa korte.

Show comments