VP Sara gustong samahan chief of staff sa kulungan

Vice President Sara Duterte attends her office's first budget hearing with the House appropriations committee on August 28, 2024.
House of Representatives / Release

MANILA, Philippines — Natulog umano si Vice President Sara Duterte nang bisitahin ang nakakulong nitong Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez sa House of Representatives sa Batasan, Quezon City noong Huwebes ng gabi.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasquez, nagparating ng abiso si VP Sara sa Kamara na bibisitahin si Lopez at bandang alas-8 ng gabi nitong Huwebes ay dumating ang Bise Presidente kasama ang mga security escorts at hanggang nitong Biyernes ay nasa Kamara pa.

Ayon sa kampo ni VP Sara, nais nitong samahan si Lopez hanggang Lunes pero ayon kay Velasco ay kokonsultahin ang blue ribbon panel kung papahintulutan ito na manatili dito hanggang Lunes sa pagtatapos ng contempt order ni Lopez.

Pero sinabi ni Blue Ribbon panel Chairman at Manila Rep. Joel Chua, hindi nila pinagbigyan ang kahilingan ni VP Sara na samahan si Lopez sa detention facility nito.

Tinutulan din nila ang pakiusap ni Davao City 1st  District Rep. Paolo Duterte na sa kaniyang opisina sa Kamara na lamang manatili si VP Sara.

“We allowed her to visit Atty. Lopez doon sa visitors center where they both stayed they until around 10 pm,” sabi ni House Secretary General Reginald Velasco.

Nang tanungin kung mayroong dinala si Duterte kay Lopez, sinabi ni Velasco na hindi nito tiyak kung ano-ano ang mga dala pero “May nagbalita na may dalang unan.”

“Pero pagkatapos ng oras ng pagbisita na natapos nang 10 ng gabi, hindi siya umalis. Sa halip, nagtuloy siya sa opisina ng kanyang kapatid na si Rep. Paolo Duterte at nagkulong doon,” ayon kay Velasco.

Ilang beses din ­umano itong pinakiusapan ni House Sergeant-at-Arms ret. Brig. Gen. Napoleon Taas na umalis ngunit binalewala umano ito ng VP bunsod upang magpatupad ng lockdown para sa kaligtasan ng lahat at proteksyon ng institusyon.

Ayon kina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Deputy Speaker David Suarez, lumabag sa seguridad si VP Sara.

“Gusto naming ­ipaalala sa lahat, lalo na sa mga opisyal ng gobyerno, na may mga patakaran at protokol kaming sinusunod sa Malaking Kapulungan para tiyakin ang seguridad at kaayusan,” giit ng mga mambabatas.

“Hindi ito basta-basta nilalabag, kahit sino pa ang tao. Kapag hindi nasunod ang mga ito, para na rin nating sinira ang respeto sa institusyon na nagsisilbi sa taumbayan,” dagdag pa ng mga ito.

Una nang pinatawan ng House Committee on Good Government and  Public Accountability na pinamumunuan ni Chua, si Lopez ng contempt noong Miyerkules ng gabi dahil sa misinterpretas­yon at pag-iwas na sagutin ang tanong ng mga Kongresista.

Ang House Blue Ribbon ang nag-iimbestiga sa umano’y iregularidad sa paggasta ng pondo ng OVP na nasa P500 milyon at DepEd sa panahon ng pamumuno ni VP Sara.

Samantala, patuloy namang pinaghahanap matapos isyuhan ng contempt order ang iba pang mga opisyal ng OVP.

Itinakda naman ang pagpapatuloy ng pagdinig ng blue ribbon sa Lunes, Nobyembre 25.

Show comments