PDEA sa pagdawit kay Rep. Barbers, utol sa illegal drugs ‘fake news’

Ayon sa PDEA, ‘fake news’ ang kumalat na balita sa social media at mga bintang na walang sapat na batayan.

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dawit sina Surigao 2nd District Congressman Robert Ace Barbers at kapatid nito na si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers sa nahuling iligal na droga kamakailan sa nabanggit na lalawigan.

Ayon sa PDEA, ‘fake news’ ang kumalat na balita sa social media at mga bintang na walang sapat na batayan.

Nag-ugat ang akusasyon matapos ang matagumpay na ‘joint anti-drug operation’ ng PDEA at Surigao del Norte Provincial Police Office sa Surigao City kung saan tatlong ‘drug personalities’ ang naaresto.

Kasunod nito, isang abandonadong ‘SUV’ naman ang naharang ng mga awtoridad sa Port of Liloan, Southern Leyte nitong Nobyembre 8 lulan ng isang RORO mula sa Surigao City na naglalaman ng 57 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng higit P388 milyon, anang PDEA.

Dito na kumalat ang mga akusasyon laban sa magkapatid na Barbers kung saan sinasabing pag-aari nila ang abandonadong sasakyan.

Batay naman sa manipesto ng barko, isang ‘Benzar Mamalinta’ ang natukoy na may dala ng sasakyan at inabandona ito pagdaong sa Liloan Port.

Sinabi pa ng PDEA, lumabas sa kanilang imbestigasyon na ang mga naarestong suspek sa Surigao City at iba pang mga nakalap na impormasyon ang magpapapatunay na walang kinalaman ang magkapatid na Barbers sa ‘illegal drug trade.’

“PDEA RO XIII strongly condemns these baseless accusations, affirming that there is no factual basis linking the Barbers to the activities of these individuals,” anang PDEA.

Pinasalamatan naman ni Rep. Barbers ang ginawang paglilinaw ng PDEA sa isyu.

Aniya pa, bilang overall chairman ng ‘House Quadcomm’ na humihimay sa madugong drug war ng nakaraang administrasyon at chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, malinaw ang kanyang rekord at ng kanyang pamilya sa paglaban sa iligal na droga.

Pinayuhan din ni Barbers ang kanyang mga kababayan sa Surigao na huwag basta maniwala sa mga tsismis at haka-haka partikular at papalapit na ang 2025 elections.

Show comments