MANILA, Philippines — Moderno at human rights based ang strategy ng Philippine National Police (PNP) laban sa iligal na droga.
Ito ang sinabi ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil kaugnay ng kanilang isinasapinal na Anti-Illegal Drug Campaign Roadmap 2024-2028.
Ayon kay Marbil, sa ilalim ng bagong istratehiya, paiigtingin pa rin ang kampanya kontra iligal na droga subalit ito’y sa mas makataong pamamaraan.
Hindi umano nila hahayaan na ito ay humahantong sa patayan tulad noong nakaraang administrasyon.
Paliwanag ni Marbil, pinag-aralang mabuti ang mga nakaraang sistema at sisiguraduhin na kikilalanin at pahahalagahan ang sakripisyo ng libu-libong pulis na nag-alay ng buhay sa pagtupad sa tungkulin.
Dagdag pa ni Marbil, dapat ding panatilihin ang dignidad ng bawat pulis na siyang nagbibigay ng seguridad at nagmamantine ng peace and order sa kanilang mga nasakupan laban sa iba’t ibang krimen kabilang ang impluwensya ng illegal drugs.