MANILA, Philippines — Hinikayat nitong Huwebes ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Vice President Sara Duterte na personal na dumalo sa pagdinig ng House blue ribbon panel at ipaliwanag ang paggasta sa P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd na dati nirong hinawakan.
“Eh ‘di dapat lang siyang sumipot at mag-oath at mag-salita at mag-eksplika dahil lahat ng mga opisyales niya… siya lang yata may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh kaya dapat siya ang mag-eksplika,” pahayag ni Romualdez sa ambush interview sa Albay.
Sinabi ni Romualdez na hindi dapat ipasa ni VP Sara ang responsibilidad para ipaliwanag ang pondo sa kaniyang mga subordinates.
“’Wag na niyang ibigay sa mga officials niya sa OVP at sa DepEd. Sana lang magsalita,” ani Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na limitado lanang ang impormasyon ng mga staff ni VP Sara at ito lamang ang makakasagot sa mga katanungan ng mga mambabatas sa paggasta ng confidential fund.
Si VP Sara ay isang beses lamang dumalo sa pagdinig, tumangging manumpa at magsabi ng katotohanan.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa darating na Nobyembre 25.