MANILA, Philippines — Tumanggap ng panibagong parangal ang Marikina City matapos makamit ang 2024 Kaagapay sa Kalusugan at Kapaligiran for Sewer Coverage Award mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS RO).
Bitbit ang 81 porsiyentong sewer coverage, naungusan ng Marikina City ang Pasay City (48 porsiyento) at siyudad ng Maynila (45 porsiyento) para sa pagkilala.
Tinanggap ni Mayor Marcy Teodoro ang parangal mula kay MWSS RO Chief Regulator Patrick Lester Ty sa Marikina City Hall, na sinaksihan nina Marikina 2nd District Rep. Maan Teodoro.
“Pinagtibay ng pagkilalang ito ang kakayahan ng lungsod pagdating sa wastewater management,” wika ni Rep. Teodoro.
”Patunay rin ito na isa sa mga prayoridad ng Marikina ang kalinisan at kalusugan lalo na pagdating sa ating waste water management,” dugtong pa niya.
Nakamit kamakailan ng Marikina City 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG) sa ikalawang sunod na taon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Teodoro.
Sinabi ni Rep. Teodoro na ang award ay bunga ng dedikasyon at sipag ng mga opisyal at tauhan ng pamahalaang lungsod.
Sinimulan kamakailan ng lokal na pamahalaan ang dredging ng Marikina River bilang pangunahing proyekto nito. Sa tulong nito, nabawasan nang malaki ang pagbaha tuwing may bagyo at malakas na ulan.