Kampanya vs pekeng gamot, suportado ni Bong Go
MANILA, Philippines — Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go, kilalang health reforms crusader, ang Food and Drug Administration (FDA) sa kampanya nito laban sa mga pekeng gamot kasabay ng idinaos na National Consciousness Week Against Counterfeit Medicine (NCWACM), simula Nobyembre 18-22 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang okasyon ay nagsisilbing isang mahalagang paalala ng ibinahaging responsibilidad na protektahan ang kalusugan at kagalingan ng bawat Pilipino.
“Ang ating paglaban sa pekeng gamot ay hindi lamang isang isyu sa kalusugan kundi isang usapin ng buhay at kaligtasan,” sabi ni Go.
Sinabi ni Go na kailangan ang pagtutulungan ng pamahalaan, lokal na komunidad, hanggang sa bawat mamamayan para gawing ligtas at malusog ang lipunan.
“It is only through unity and vigilance that we can build a safer and healthier society for all,” anang mambabatas.
Isa sa naging highlight ng event ay ang pagsisiwalat sa natuklasan ng FDA na 29 tindahan sa Palawan ang nagbebenta ng mga pekeng gamot, habang 74 pekeng produkto ang natukoy.
Bilang chairperson ng Senate committee on health and demography, muling idiniin ni Go ang kanyang pangako na susuportahan ang mas matibay na batas at mga hakbang na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga sangkot sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng gamot.
- Latest