Mary Jane Veloso ididiretso sa Correctional

She was granted a stay of her execution in April 2015 in exchange for testifying against her alleged recruiters.
STAR/File

MANILA, Philippines — Posibleng idiretso ang OFW na si Mary Jane Veloso sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City sa sandaling makauwi na ito sa Pilipinas mula sa Indonesia.

Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Mico Clavano, na nagbigay na ng kautusan si Justice Sercretary Crispin Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) para sunduin at dalhin sa detention center si Veloso.

Bagamat wala pang eksaktong petsa kung kailan makakabalik ng bansa si Veloso, nilinaw naman ni Foreign Affairs ­Undersecretary ­Eduardo de Vega na walang ­hininging kapalit ang ­gobyerno ng Indonesia sa pagbibigay ng kustodiya ni Veloso sa Pilipinas.

Malaki rin aniya ang benepisyo na malipat na sa kustodiya ng Pilipinas si Veloso na bukod sa ligtas na sa parusang kamatayan ay mabibisita na rin siya ng kanyang mga mahal sa buhay at maaari nang masuri ng mga Pilipinong doktor.

Iginiit naman ni De Vega na malabong ma-hospital arrest si Veloso dahil wala naman itong sakit.

Nilinaw din ni De Vega na sa sandaling dumating si Veloso ay itutuloy muna nito ang sintensya na ipinataw sa kanya ng gobyerno ng Indonesia.

Una nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makakauwi na ng bansa si Mary Jane na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa kaso ng ilegal na droga.

Sinabi ng Pangulo, matapos ang mahigit isang dekadang pakikipag-usap at apela sa pamahalaan ng Indonesia ay pinagbigyan ang Pilipinas.

“After over a ­decade of diplomacy and ­consultations with the Indonesian government, we managed to delay her execution long enough to reach an agreement to finally bring her back to the Philippines,” ayon kay Pangulong Marcos.

Nagpasalamat naman si Marcos kay Indonesian President Prabowo Subianto dahil sa kabutihan nito.

“I extend my heartfelt gratitude to President Prabowo Subianto and the Indonesian government for their *goodwill*. This outcome is a reflection of the depth our nation’s partnership with Indonesia—united in a shared commitment to *justice* and *compassion,” pahayag ng Pangulo.

“Thank you, Indonesia. We look forward to welcoming Mary Jane home,” pahayag ni Marcos.

Taong 2010 nang maaresto si Veloso dahil sa pagdadala ng mahigit 2 kilo ng cocaine sa Indonesia.

Show comments