7 patay sa landslide ni Pepito!

Nadaraanan na ang kalsadang ito sa Nueva Ecija na natabunan ng putik matapos umapaw ang ilog dulot ng matinding ulan dala ng super bagyong Pe­pito. Nakatakda ring isaayos ang mga poste ng kuryente na pinayuko ng bagyo.

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa pito katao ang nasawi sa pagguho ng lupa sa barangay Labang sa bayan ng Ambaguio, Nueva Vizcaya bunsod ng hagupit ng super bagyong Pepito nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC), natabunan ang bahay ng magkakamag-anak na nasa gilid ng bundok ang bahay, at nakisilong ang iba pa nang tumama ang bagyo.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Angel Calanhi, 18; Maxcel Calanhi, 13; Balagan Calanhi, 16; Niko Tindaan, 14; Oscar Tindaan, 30; Jaymar Liwan, 12, at Janna Faith, Calanhi, 8-anyos.

Ang mga biktima ay natutulog sa tahanan ni Brgy. Kagawad Selo Calanhi nang dumagundong ng malakas at kasunod nito ay natabunan ang nasabing tahanan sa pagguho ng bundok.

Si Selo ay nababalutan ng makapal na putik at nagtamo ng sugat gayundin sina Thelma at Mawi Shane Calanhi sa loob ng nasabing tahanan pero masu­werteng nakaligtas sa insidente.

Nabatid na tinutulu­ngan ni Selo ang kaniyang mga kapitbahay sa preemptive evacuation sa isang eskuwelahan at day care center nang mangyari ang landslide sa kanilang lugar.

Ayon kay Gov. Jose Gambito, Biyernes pa lamang ay nagbabala na sila para sa evacuation subalit nabigla umano ang lahat dahil maging mga hindi nababahang lugar ay tumaas ang antas ng tubig.

Umabot sa 4,297 ang nag-evacuate voluntary at forced evacuation hanggang Sabado ng gabi o 1,198 pamilya.

Ilang dike rin ang nagiba, natumba ang mga poste, namatay ang mga alagang hayop at ‘di pa mabilang na mga bahay na nagiba at nalipad.

Total blackout ang kuryente, ayon sa Nueva Vzcaya Electric ­Cooperative.

Bukas naman ang daan patungong ­Maynila, bagamat maraming natumbang mga puno at sanga ng kahoy na nakalaylay maging mga linya ng kuryente.

Samantala, isa lamang ang naitalang namatay sa bagyong Pepito mula sa Camarines Norte.

Patuloy naman ang monitoring ng ­NDRRMC.

Show comments