Chief of Staff ni VP Sara ipaaaresto ‘pag no show pa rin — House

Workers do renovation works around the House of Representatives within the Batasang Pambansa Complex in Quezon City on July 3, 2024.
STAR / Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Binalaan nitong Lunes ng House blue ribbon panel na ipaaaresto at ipakakalaboso na si Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte kapag hindi pa rin ito dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa darating na Miyerkules (Nobyembre 20).

Ayon sa House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, maraming beses na nilang ipina-subpoena si Lopez pero hindi ito sumisipot sa pagdinig ng panel.

Sinabi ni Rep. Jay Khonghun, vice chairman ng komite, nakatanggap sila ng impormasyon na bumalik na si Lopez sa bansa galing sa Estados Unidos kaya hindi nakadalo sa pagdinig noong nakalipas na linggo.

“Ang balita ng komite is dumating na siya. So ine-expect natin sa Wednesday a-attend na siya dahil nga nakatanggap na siya ng subpoena,” ani Khonghun.

Pinaalalahanan naman ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na nangako si Lopez na kikilalanin na ang imbitasyon ng komite matapos ang US trip nito.

“‘Yung reply letter naman niya nanduon she indicated na she will be back…sa (Nov.) 14th. Pero kailangan na i-honor niya iyon kasi napakahalaga niya po sa mga hearing na ito kasi siya po ang nagre-release (ng confidential funds) eh,” giit ni Ortega.

“Mas marami po siyang masasagot na importanteng katanu­ngan and hopefully she will shed light dito sa anomalya na nahanap po ng good government committee,” anang solon kaugnay ng kinukuwestiyong diumano’y iregularidad sa paggasta ng P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President at noong panahong si VP Sara pa ang kalihim ng DepEd noong 2022 -2023.

Show comments