MANILA, Philippines — Nag-alok nitong Lunes ang ilang mga lider ng Kamara ng P1 milyong reward sa makapagbibigay ng impormasyon para mahanap ang misteryosong “Mary Grace Piattos”, ang pangalan na ginamit sa liquidation report na isinumite sa Commission on Audit (COA) na tumanggap umano ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte noong 2022.
“Kami sa Blue Ribbon Committee at Quad Committee, aming binibigyan ng importansya na kailangan dumating ‘yung mga ipinatawag natin, lalong-lalo na pati ‘yung mga pumirma sa acknowledgment receipts,” ayon kay Majority Leaders Jay Khonghun sa press conference kahapon.
Sa mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nagtanong si Antipolo City Rep. Romeo Acop kay Gloria Camora, Intelligence and Confidential Funds Audit Officer ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng Mary Grace Piattos na nakapirma sa isang acknowledgment receipt na may petsang Disyembre 30, 2022.
“So nag-usap-usap kami, boluntaryo, na magbibigay kami ng pabuya na P1 milyon sa kung sinumang makakapagsabi o makakapagbigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos,” dagdag ng solon.
Ang Mary Grace Piattos ay tila tumutukoy sa kombinasyon ng isang popular na restaurant at ng isang lokal na sitserya na umani ng pagdududa at pambabatikos ng publiko.
Ang naturang acknowledgment receipt ay bahagi ng liquidation report na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa COA upang bigyang katwiran ang paggastos nito ng P125 milyong confidential fund na naubos sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.
“Si Mary Grace Piattos kasi ‘yung may pinakamalaking nakuha dun eh. We want to set an example, we want to know the truth. Kasi it follows na ‘pag wala si Mary Grace Piattos, sigurado halos lahat ng tao na nandun is fictitious na”, paliwanag ng solon.
Naghihinala ang mga Kongresista na gawa-gawa lamang ang nasabing mga pangalan sa resibo para palitawing nagamit ang P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw.
Iniimbestigahan din ng komite ang P375 milyong OVP confidential fund at P112.5 milyong confidential fund ng Department of Education na ilalim ng pamumuno ni Duterte na ginastos noong 2023.