MANILA, Philippines — Matapos ang matinding hagupit ng magkakasunod na bagyo, panghuli ay ang super typhoon Pepito, inilunsad sa Kamara ang Tabang Bikol, Tindog Oragon relief caravan kung saan 24 truckloads ng relief goods ang ibibiyahe patungong Bicol Region ngayong Lunes (Nobyembre 18).
Ang Tabang Bikol, Tindog Oragon relief caravan ay inilunsad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katuwang sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Nasa P750 milyon ang ipinalabas para sa ipamamahaging pinansyal na ayuda at 24 truckloads ng relief goods para sa 150,000 beneficiaries sa buong Bicol Region matapos ang pananalasa ng magkakasunod na bagyo kabilang ang super typhoon Pepito.
Ang programa sa pangunguna ni Romualdez na pangunahing nagsusulong nito ay naglalayong suportahan ang mga komunidad sa Camarines Norte, Camarines Sur at Albay na makarekober sa pinsalang tinamo sa bagyong Kristine, Carina at panghuli ay ang malakas na bagyong Pepito na nagpabaha sa malaking bahagi ng lalawigan.
“Ito ang direktiba ng ating mahal na Pangulong Marcos, ang tulungan ang mga nasalanta ng bagyo sa Bicol. This initiative is our way of showing that we stand shoulder-to-shoulder with our kababayans in Bicol during these challenging times,” sabi ni Romualdez.
“Ang Tabang Bikol ay hindi lamang tulong pinansyal; ito’y simbolo ng malasakit at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Kabilang naman sa relief mission sa Bicol Region ay ang pamamahagi ng tatlong pangunahing serbisyo kabilang ang pinansyal na ayuda payouts, mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at ang distribusyon ng mga relief goods ay sisimulan na ngayong Lunes, Nobyembre 18.
Samantalang katuwang rin sa programa si AKO Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, Chairman ng House Committee on Appropriations na kinatawan at tubo sa rehiyon.