Pag-upa ng mga sasakyang pandagat, panghimpapawid muling isinulong

MANILA, Philippines — Muling isinulong ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mungkahi nya sa pamahalaan na umupa ng mga sasakyang panghimpapawid at pandagat para palakasin ang depensa ng bansa, partikular sa West Philippine Sea (WPS).

“Sana’y magbukas ng isipan ang ating tanggulang pambansa sa posibilidad ng pag-upa ng mga eroplano at barko para palakasin ang ating sandatahan,” ani Tolentino.

Nauna nang itinulak ng senador ang pagpasok sa lease agreements para pabilisin ang expansion ng marine fleet ng bansa sa WPS, sa gitna ng walang habas na pambabraso ng China sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino.

Si Tolentino ang pangunahing may akda at sponsor ng dalawang bagong lagdang batas na nagtataguyod sa territorial integrity at maritime domain ng bansa – ang Philippine Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act.

“Sa pamamagitan ng leasing o pag-upa, makakatipid ang gobyerno sa paglabas ng mala­king pondo para makabili ng mamahaling kagamitan. Mapapababa rin nito ang maintenance cost at depreciation risk, at makakatulong pa sa episyenteng pagbabadyet ng pondo ng gobyerno,” aniya.

Ayon sa senador, pinahihintulutan sa ilalim ng New Government Procurement Act (Republic Act 12009) ang pag-upa ng ‘movable properties’ ng pamahalaan, gaya ng “vessels, boats, tugboats, aircraft carriers, at submarines.”

Matagal na rin umanong pumapasok sa leasing arrangements ang ibang bansa, tulad ng Estados Unidos, India, Australia, South Korea, at mga kasapi ng NATO gaya ng Germany at The Netherlands.

Show comments