MANILA, Philippines — Isinulong sa Kamara na ipagbawal ang ‘dress code’ sa mga marginalized sectors sa mga government services o ang mga ahensiya ng pamahalaan na may mandatong magserbisyo sa publiko.
Nakasaad sa House Bill (HB) No. 11078 o Bawal ang Judgemental Bill na inihain ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ang mga panghuhusga at panunuya sa mga Pinoy dahil lamang sa pisikal na hitsura sa kasuotan.
Sinabi ni Cendaña na ang paghihigpit sa dress code sa mga ahensiya ng mga tanggapan ng gobyerno ay walang kinalaman sa delivery ng frontline services manapa’y lumilikha lamang ito ng diskriminasyon sa mga mahihirap at mga katutubong komunidad.
Sa nakarating na mga reklamo sa solon, kabilang dito ay sa Camp Aguinaldo na kahit nakasapatos ang mga papasok para magtungo sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ay bawal ang kita ang sakong at kuko, bawal rin aniya ang high heels sandals pero sa asawa ng mga heneral ay hindi ito ipinagbabawal na napaka-unfair umano para sa mga sibilyan.
Sa Camp Aguinaldo sa loob ng maraming taon ay tsinelas lang ang ipinagbabawal pero ngayon ay ‘closed shoes’ lamang ang nais at pinapayagan ng Camp Commander na tinalo pa ang kahigpitan sa Kongreso. Bawal din ang pumasok ng kampo na naka-sleeveless at naka-short.
“Nakalalungkot na ‘yung policy na strict na dress codes ay nagreresulta sa pagtataboy sa mga marginalized communities. Gusto natin tanggalin ‘yung pagiging judgemental sa dress or attire lalo na kung hindi naman konektado sa nasabing serbisyo ‘yung pananamit,” anang solon.
Binigyang diin nito na nais niyang mga frontline services sa gobyerno ay maging accessible para sa lahat.
Nilinaw naman dito na papayagan lamang ang dress code sa mga kinakailangang transaksyon sa mga ahensiya ng gobyerno. Bawal din na iimplementa ang dress codes sa publiko na dadalo sa public meetings o pagdinig bilang guests, observers at sa mga magpapartisipa.