MANILA, Philippines — Nangako si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpapatuloy ang kanyang giyera kontra ilegal na droga at dodoblehin pa ang bilang ng mga nasawi sa sandaling mahalal bilang Alkalde ng Davao sa 2025 midterm elections.
Ito ang sinabi ng dating Pangulo sa pagdinig ng House of Representatives quad committee na nag-iimbestiga sa war on drug ng nakaraang administrasyon.
“The moment I return as mayor (of Davao) I will just double it (statistics for death toll in campaign against drugs),” sinabi ni Duterte sa mga miyembro at opisyal ng quad comm.
Inamin din niya sa pagdinig na inutusan niya ang mga pulis na sugurin ang mga gumagawa ng droga, maging ang malalaking distributor ng droga at pinapayagan niya silang mamatay lahat.
Nang tanungin naman ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety kung ‘disappointed” sa pagbaba ng bilang, sagot ng matandang Duterte habang nakangiti na ibabalik niya ang mga numero sa tamang landas kapag nabigyan ulit siya ng pagkakataon na maging presidente.
“If ever I will again have the chance to become president, then I will surely make up for it. They (druglords) heard me: Don’t destroy my country. I will have you all killed,” ayon pa sa 79-anyos na dating pangulo.
Si Duterte ay naghain ng kanyang certificate of candidacy noong Oktubre bilang Alkalde ng Davao kung saan makakalaban niya si dating Civil Service chief Karlo Nograles.