Diskwento sa amilyar sa mga magsasaka, isusulong
MANILA, Philippines — Isinusulong ni dating kalihim Benjamin “Benhur” Abalos ang panukalang magbigay ng diskwento sa amilyar o Real Property Tax (RPT) para sa mga aktibong magsasaka.
Ayon kay Abalos, mahalaga ang papel ng mga magsasaka sa ekonomiya ng bansa at sa seguridad ng pagkain, kaya’t nararapat lamang na bigyan sila ng insentibo.
“Yung RPT ng mga magsasaka, dapat siguro incentivize ‘yung mga owners at bigyan ng discount sa RPT para ganahan silang magtanim at hindi nila iwan ang pagsasaka,” sabi ni Abalos.
“Ang mga magsasaka ang mga bayani natin sa agrikultura. Sila ang nagpapakain sa atin. Kailangan natin silang suportahan hindi lang sa produksyon kundi pati sa mga gastusin,” ani Abalos na kandidato sa pagkasenador sa 2025 sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod sa diskwento sa amilyar, sinabi rin ni Abalos na bagamat libre na ang pag-aaral sa State Universities and Colleges (SUCs), dapat bigyan sila ng allowance ang mga anak ng mga magsasaka bilang karagdagang insentibo sa kanila.
Malaking tulong ito para sa mga pamilyang umaasa sa sakahan.
Pinuri rin ni Abalos ang kasalukuyang administrasyon sa mga programa nitong mababang pautang na may interes na 1-2 porsiyento para sa mga magsasakang nais magtanim, at hinikayat ang pagpapatuloy nito sa pamamagitan ng batas.
Bilang karagdagan, iminungkahi ni Abalos ang pagpapalawig ng crop insurance ng Department of Agriculture at Philippine Crop Insurance Corporation upang mas maprotektahan ang mga magsasaka at mangingisda mula sa mga sakuna o pagkalugi.
- Latest