MANILA, Philippines — Aabot umano sa 200 tauhan ng Office of the Vice President (OVP) ang maaaring mawalan ng trabaho sakaling tuluyang maaprubahan ang tapyas sa budget ng kanilang tanggapan.
Ayon kay Vice President Sara Duterte, ang pinakamaaapektuhan sa budget cuts ay ang mga personnel sa iba’t ibang satellite offices ng OVP sa buong bansa.
Apektado rin aniya ang mga empleyadong nakatalaga sa kanilang central office sa Mandaluyong City.
Nauna rito, inaprubahan ng Senado ang P733-milyong budget para sa OVP na ipinanukala ng Senate finance committee, matapos na walang senador na kumwestiyon dito.
Una na rin namang sinabi ni Duterte na ilang proyekto ng OVP, partikular na ang libreng sakay at tulong pinansiyal na ipinagkakaloob ng kanilang satellite offices, ay maaapektuhan sa tapyas sa kanilang budget.
Bukod sa central office sa Mandaluyong City, ang OVP ay mayroon pang 10 satellite offices at dalawang extension offices.