DepEd: Class disruptions dahil sa bagyo, 35 na

Sa datos ng DepEd, para sa kasalukuyang school year, nakapagtala na ang Cordillera Administrative Region (CAR) ng 35 class disruptions.
The STAR / Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Nagpatawag ng pulong si Education Secretary Sonny Angara, kasama ang National Management Committee (ManComm) upang humanap ng mga pamamaraan para masolusyunan ang learning losses sa mga paaralan dahil sa mga kanselasyon ng klase dahil sa mga bagyo.

Sa datos ng DepEd, para sa kasalukuyang school year, nakapagtala na ang Cordillera Administrative Region (CAR) ng 35 class disruptions.

“This accounts for the highest number of school days lost mainly due to natural disasters and calamities,” anang DepEd.

Ang iba pang rehiyon na ­matinding naapektuhan ng bagyo, kabilang ang Regions II, I, IV-A, at III, ay nakaranas ng tig-29 class disruptions, na ang ilan ay bunsod ng human-induced hazards gaya ng mga insidente ng sunog.

Samantala, nasa 239 paaralan din sa buong bansa ang ikinukonsideta bilang “very high risk” na magkaroon ng higit pang learning losses.

Ito ay bunsod ng madalas na natural hazards na naranasan doon at matinding pinsala, na nakaapekto sa 377,729 mag-aaral.

Samantala, nasa 4,771 paaralan na may 3,865,903 learners ang ikinakategorya bilang “high risk.”

Show comments