MANILA, Philippines — Hindi maaapektuhan ng P103.8-bilyong Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Reclamation Project sa viability at sustainability ng “Wetland Park”, kaya hindi dapat mag-alala ang publiko, ayon kay Las Piñas Mark Anthony Santos kahapon.
Sinabi ni Santos na tiniyak ng Alltech Contractors Inc. na hindi masisira ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) sa panahon ng pagtatayo at operasyon ng multi-billion-peso reclamation project. Ang LPPCHEA ay pinalitan na ngayon ng Las Piñas-Parañaque Wetland Park.
Sakop ng reclamation ang 381.26 ektarya ng lupa para sa Las Piñas at 174.88 ektarya para sa Parañaque.
Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Court of Appeal (CA) na nagbasura sa petition for writ of kalikasan na inihain ng mga residente ng Las Piñas sa pangunguna ni Senator Cynthia Villar na naglalayong itigil ang planong reclamation project na sumasaklaw sa 635.14 ektarya ng tubig sa Manila bay.
Tinanggihan din ng Mataas na Hukuman ang kahilingan ng mga petitioner para sa temporary protection order (TEPO) na nag-uutos sa gobyerno at sa project proponent na Alltech Contractors na magpatuloy sa proyekto.
Taliwas sa claim ng mga petitioner, sinabi ng SC na nagsumite ang Alltech ng tamang paraan ng pag-aaral na kinakailangan para sa iminungkahing proyekto.