MANILA, Philippines — Itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroong mga butas sa Executive Order 74 na nagbabawal sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa isang ambush interview pagkatapos ng Seatrade Cruise Asia 2024 Welcome Reception, iginiit ni Pangulong Marcos na talagang ipinagbabawal na ang POGOs.
Giit pa ng Pangulo na walang paraan para makapag-operate ang mga ito gamit ang anumang kaparehong lisensya.
“There’s just no way...because it’s the nature of the operation that we are banning. It’s not because it’s under PAGCOR or not. Basta’t sinabing... basta’t POGO ‘yan, ganyan ang lisensya nila, it’s banned,” pahayag pa ng Pangulo.
Matatandaan na pormal na nilagdaan ni Pangulong Marcos ang EO 74 noong Nobyembre 5 na nagbabawal sa lahat ng Pogos sa bansa maging ang aplikasyon at pag-renew ng lisensya.
Nauna na rin inanunsyo ng Presidente sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang pag-ban ng operasyon ng POGO sa buong bansa.
Ang reaksyon ni Marcos ay kaugnay sa pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na mayroong loopholes o mga butas ang inisyung kautusan ng Pangulo na maari pang makapag-operate sa loob ng mga casino at freeport ang mga Pogos.