CREATE MORE bill pirmado na ni Pangulong Marcos

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang CREATE to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (MORE) o ­“CREATE MORE” Bill sa ginanap na seremonya sa Malacañang kahapon. Ang bagong batas na nag-aamyenda sa National Internal Revenue Code ay inaasahang magpapabuti sa incentive policy ng bansa na magpapalago naman sa ekonomiya.
Noel B. Pabalate/PPA Pool

MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE).

Layon ng bagong batas na gawing pangunahing destinasyon ang Pilipinas para sa mga pamumuhunan at magbibigay daan para sa pag-usbong ng ekonomiyang pinapanday ng mga investment.

Pinaaamyendahan din ng Republic Act No. 12066 o CREATE MORE Act ang National internal Revenue Code (NIRC) at pagpapalakas sa fiscal regime incentives ng bansa.

Sinabi ng Pangulo na ipinapakita ng CREATE MORE ang patuloy na pagsusumikap ng Pilipinas na suportahan at pasiglahin ang mga negosyo tungo sa matatag at inklusibong pag-unlad ng ekonomiya.

Anya, magbibigay ito ng mas mahabang insentibo sa mga mamumuhunan dahil darag­dagan ang maximum tax incentives mula 17 taon hanggang 27 taon at mas mababang corporate income tax rate na 20%.

Bukod dito bibigyan din sila ng karagdagang 100% deduction sa gastusin sa kuryente na malaking tulong sa manufactu­ring sector.

Gagawin na rin simple ang proseso ng VAT refund sa pamamagitan ng pagpapaikli ng proseso ng dokumento at pagtugon sa mga tax concerns ng mga export-oriented na negosyo at ipapatupad din sa ilalim ng batas ang pag-­aayos at pagpapagaan ng proseso ng mga insentibo.

 

Show comments