MANILA, Philippines — Sa kasaysayan ng gobyerno ng Pilipinas, si Vice President Sara Duterte umano ang kauna-unahang Bise Presidente na nagkaroon ng P500 milyong confidential funds.
Ito ang kinumpirma ni OVP Chief Accountant Julieta Villadelrey sa pagdinig ng House blue ribbon panel nang tanungin ni Deputy Speaker David Suarez.
Si Villadelrey ay nakapasok sa OVP noong 1990 kung kailan ang Bise Presidente ay si Salvador Laurel sa ilalim ng unang Aquino administration.
“Since Vice President Laurel’s time, this is the first instance that the OVP has been granted such a significant amount in confidential funds, correct?” tanong ni Suarez kay Villadelrey. “As I recall, your honor, that is correct,” sagot ni Villadelrey, na isang pagkumpirma na ngayon lamang nabigyan ng malaking confidential fund ang OVP.
Ayon kay Villadelrey, ang P500-M confidential fund ay ibinigay ng tig-P125-M mula sa huling quarter ng 2022 hanggang 2023.
Sa pagtatanong naman ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro kay OVP Budget Office Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido, sinabi nito na walang confi fund na inilaan sa OVP noong panahon ni VP Leni Robredo.
Sinabi rin ni Teñido na noong 2014, ay mayroong hininging confidential fund si dating VP Jejomar Binay pero ang alam niya ay pinabalik din ito. Isang beses lang umano humingi si Binay.
Sa nakaraang pagdinig, iprinisinta ni Luistro ang daang milyong confi fund ng Davao City government sa ilalim ni Duterte. Noong 2016, ang pondo umano ni Duterte bilang alkalde ng Davao City ay P144 milyon, umakyat ito sa P294 milyon noong 2017, P420 milyon noong 2018, at P460 milyon mula 2019 hanggang 2022.