Bong Go sa PhilHealth: Presensya ng mga tauhan sa Malasakit Centers, tiyakin
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi dapat mawala ang presensya ng mga tauhan nito sa lahat ng Malasakit Centers sa buong bansa.
Ayon kay Go, mahalaga ang papel ng Malasakit Centers sa pagtiyak ng accessible healthcare para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Go, ang punong may-akda at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019 (Republic Act No. 11463), na ang pangako ng PhilHealth ay mahalaga sa epektibong paghahatid ng mga serbisyong ipinag-uutos sa ilalim ng Universal Health Care Act (Republic Act No. 11223).
“Malaking bagay kung may nakahandang tumulong na PhilHealth personnel sa Malasakit Centers. Hindi natin pwedeng pabayaan ang ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan,” sabi ni Go na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga kinatawan sa lugar upang tumulong sa pagkuha ng benepisyo at matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.
Noong Oktubre 14, natanggap ng tanggapan ni Go ang pormal na liham ng PhilHealth na nangangakong susunod sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act.
Ang liham, na kumikilala sa mga obligasyon ng PhilHealth sa ilalim ng batas, ay nagkukumpirma rin na ang ahensya ay magde-deploy ng mga tauhang tutulong sa Malasakit Centers sa buong bansa upang ang mga pasyente ay mabigyan ng tulong-medikal at iba pang benepisyo.
- Latest