Senador Win tikom sa SUV na may plakang ‘7’

Sinabi ni Gatchalian sa isang ambush interview na pinapaubaya na niya sa Land Transportation Office (LTO) ang imbestigasyon sa nasabing isyu.

MANILA, Philippines — Tikom ang bibig ni Senador Sherwin Gatchalian kung pag-aari ng kanyang kamag-anak ang puting SUV na may protocol number “7”  na nahuling dumaan sa EDSA busway.

Sinabi ni Gatchalian sa isang ambush interview na pinapaubaya na niya sa Land Transportation Office (LTO) ang imbestigasyon sa nasabing isyu.

Dagdag pa ng Senador, nakita niya sa mga balita na nagsalita na ang representative ng kumpanya at nagbayad na ng multa kaya bahala na ang LTO kung ano ang kanilang desisyon at gagawin.

Sa tanong kung ang SUV ay pag-aari ng kanyang kapatid, sagot ni Gatchalian ay nasa LTO na ang mga dokumento at sila na ang bahala dito.

Mahirap naman aniya na magkomento habang nag-iimbestiga ang LTO.

Matatandaan na noong Linggo ay kumalat sa social media na hinarang ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang puting SUV na may protocol plate no. 7 dahil sa pagdaan sa EDSA busway sa Guadalupe Station northbound lane at nagtangkang tumakas.

Nauna nang sinabi ng LTO na peke ang protocol plate habang humarap naman nitong Miyerkules ang driver nito na si Angelito Edpan, 52, ­empleyado ng Orient Pacific Corporations na siyang nagmamay-ari ng SUV.

Show comments