MANILA, Philippines — Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas na nagpapalawig pa sa prangkisa ng Manila Electric Company (Meralco).
Sa botong 186-7 at apat na abstention, pormal na pinagtibay ang House Bill (HB) 10926 para sa renewal ng karagdagang 25 taon sa prangkisa na ibinigay sa Meralco, ang nangungunang electric company sa bansa sa ilalim ng Republic Act 9209.
Ang RA 9209 ay nagkakaloob sa Meralco ng prangkisa para magtayo at mag-operate at panatilihin ang distribusyon sa sistema ng electric power sa mga end users nito sa mga lungsod at munisipalidad sa Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal gayundin sa mga lungsod at munisipalidad saka mga Barangays sa Batangas, Laguna, Quezon at Pampanga.
Nilalayon ng nasabing bill na bigyan ng mandato ang Meralco na mag-operate at panatilihin ang pagiging superior o pangunguna nito sa distribusyon ng pasilidad, lines at sistema sa serbisyo ng elektrisidad sa progreso ng siyensa at teknolohiya.
Kabilang sa may-akda ng panukalang batas sina Reps. Joey Sarte Salceda, Gus Tambunting, Rufus Rodriguez, Lord Allan Velasco, Kristine Singson-Meehan, Mercedes Alvarez, Marcelino Libanan at Johnny Ty-Pimentel.