MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon ang Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) sa pamahalaan na pabilisin ang pagtatanggal ng fossil fuels at palakasin ang mga hakbang upang maprotektahan ang marine at coastal environment mula sa polusyon.
Ang panawagan ay ginawa matapos ang pananalasa ng Severe Tropical Storm (STS) Kristine na nagdulot ng dalawang coal spill sa Sorsogon at Zambales.
Ayon kay Gerry Arances, Executive Director ng CEED, posibleng mas marami pang aksidente ang mangyari matapos ang insidente ng oil spill sa Verde Island Passage at Manila Bay.
Magugunitang tumaob ang coal barge sa Sorsogon sa pananalasa ng bagyong Kristine na nagresulta sa malaking pinsala sa kapaligiran, kabilang ang mga fish kills at pagkasira ng marine ecosystem at mga kabuhayan.
Nagpahayag naman ng pagka-alarma ang isang coastal community sa Brgy. Bucalbucalan sa Sorsogon City sa pagdidilim ng baybayin dahil sa umano’y pagbababad sa coal ng barge.
Nangangamba rin ang mga mangingisda sa Zambales na posibleng maapektuhan ang kanilang mga kabuhayan dahil sa grounded barge case na dala rin ng bagyo.
Ang barge na may lulang 11,000 metrikong tonelada ng karbon, ay nagdulot ng banta sa Masinloc-Oyon Bay Protected Seascape and Landscape, ang unang marine protected area ng Central Luzon at itinuturing na isa sa pinakamahalagang lokasyon ng bansa para sa marine biodiversity.