MANILA, Philippines — Itinaas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng tanggapan ng gobyerno sa high alert para sa pagresponde sa bagyong Marce.
Sinabi ng Pangulo na dapat tiyakin ng lahat ng ahensiya na makaabot at maging maayos ang sistema ng komunikasyon sa komunidad.
“Sa mga ahensya ng pamahalaan, you all know the drill. I am placing you all in high alert,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Iginiit pa ng Presidente na nakabatay ang pagkilos ng mamayan sa mga maagang warnings na ipaaabot ng mga kinauukulan.
Nais din masiguro ni Pangulong Marcos na lahat ng ilog, lawa, baybayin at anumang lagusan ng tubig ay nasa ilalim ng 24-hour na pagmamatyag.
Pinakakasa rin niya ang lahat ng rescue equipment, sa lahat ng antas ng pamahalaan, sa lahat ng ahensya na maaaring mag-ambag ng mga kagamitan, lalo na mga sasakyan.
Nais din ng Presidente na nakadeploy na sa mga ligtas na imbakan para mapabilis na maipamahagi sa mga nasalanta.
Sa weather bulletin ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 295 kph silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na 150 kph at pagbugso na aabot sa 185 kph.
Si Marce ay inaasahang mag-landfall at daraan sa Babuyan Islands o sa northern portions ng mainland Cagayan, Ilocos Norte at Apayao hanggang Biyernes, November 8 ng umaga hanggang sa lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Biyernes ng gabi.
Ang paghina ni Marce ay posibleng dulot ng interaction sa terrain ng mainland Luzon.