MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na bumiyahe nga palabas ng bansa ang kanilang chief of staff (COS) at ito ay aprubado mismo ni Vice Pres. Sara Duterte.
“The Office of the Vice President confirms the travel of Undersecretary Zuleika Lopez overseas on November 4 to 16, 2024,” anang OVP, sa isang pahayag.
Nakapagsumite anila si Lopez ng mga kinakailangang dokumento para sa kanyang biyahe at inaprubahan ito ng bise presidente. Personal anya ang biyahe ni Lopez at wala itong kinalaman sa kanyang trabaho sa OVP.
Umapela rin ang OVP na, “Speculations about the purpose of this travel are unfounded and unnecessary. We request to respect the privacy of the family on this difficult time.”
Si Lopez at iba pang opisyal ng OVP, ay inisyuhan ng subpoena ad testificandum ng Kamara matapos tumangging dumalo sa pagdinig sa pondo ng kanilang tanggapan, kabilang na ang confidential funds.
Gayunman, inisnab ng mga ito ang pagdinig kamakalawa.
Muli ring naglabas ang Kamara ng panibagong subpoena sa mga opisyal ng OVP, kasabay ng babala na isa-cite na sila for contempt sakaling muli itong isnabin.