MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga e-wallet users laban sa bagong phishing scams na nagpapanggap na kumpanya ng e-wallets.
Sa isang pulong balitaan sa Maynila, ibinunyag ni CICC Director Alexander Ramos na isang bagong modus operandi ang namonitor ng kanilang tanggapan, kung saan ang mga users ay nakakatanggap ng text messages mula sa kanilang umano’y ‘e-wallets,’ at pinaaalalahanan sila na i-update ang kanilang accounts, sa pamamagitan ng isang link, upang hindi maisara ang mga ito.
Gayunman, babala ni Ramos, ang pag-click sa naturang bogus link ay magkakaloob sa scammers ng access sa accounts ng users, at magpapahintulot sa mga ito upang maagaw at ma-takeover ang kanilang e-wallets.
Ayon kay Ramos, dahil sa mga isinagawang raids sa mga POGO scam centers, nagbabago na ng teknik ang mga natitirang operators.
Nitong long weekend lamang aniya dahil sa paggunita sa Undas ay na-monitor nilang sinimulan ng mga scammers ang pagpapadala ng mga naturang scam messages, sa mga area ng Quezon City at Makati.
Aniya, “Na-detect namin nag-uumpisa sila mag-proliferate ng messages in the disguise of SMS message coming from GCash and Maya.”
Naniniwala naman ang CICC na ang phishing messages ay ipinapadala sa pamamagitan ng isang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, na isang device na ilegal na ipinasok sa Pilipinas at sumusubaybay at humaharang sa mga komunikasyon sa mobile phone. Bumubuo rin aniya ang mga ito ng mga pekeng mobile numbers.
“Para itong (IMSI) text blaster on the move. Nagpu-project siya ng messages at tine-take over ang signal,” aniya pa.
Ani Ramos, maaaring nagpapalipat-lipat ng lokasyon ang mga scammers dahil ang signal ng IMSI ay nade-detect nila sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Gayunman, tiniyak niya na tinutunton na ng CICC ang mga lugar na maaaring kinaroroonan ng IMSI catcher upang mapigilan ang naturang phishing scams.
Pinaalalahanan din ni Ramos ang mga mamamayan, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan, na huwag silang madala sa mga nakakaalarmang mensahe na nagpapanggap na mula sa e-wallets dahil maaaring scammers ang mga ito.