MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang pagbuo ng isang task force na mag-iimbestiga sa umano’y extra-judicial killings (EJKs) na naganap sa war on drugs na ikinasa ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Batay sa Memorandum Order No. 778, na may petsang Nobyembre 4, 2024, ang naturang task force ay pamumunuan ng Office of the Secretary at bubuuin ng mga prosecutors at mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kabilang sa mga tungkulin ng task force ang pag-iimbestiga, pagtulong sa pagsasagawa ng case build-up, at kung kakailanganin, ay pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal sa hukuman laban sa mga taong sangkot sa EJKs.
Inatasan din naman ni Remulla ang naturang task force na masusing makipagtulungan sa House of Representatives Quad Committee, Senate Blue Ribbon Committee, Philippine National Police (PNP), Witness Protection Program (WPP), Commission on Human Rights (CHR), at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro ang pagkakaroon ng episyenteng pangangalap at pagbabahagi ng mga impormasyon, gayundin ang pagpapasilidad ng kinakailangang operational support, kabilang na ang epektibong pag-secure at pakikipanayam sa mga testigo, para sa isang kumprehensibong imbestigasyon at case build-up.
Inatasan din ni Remulla ang task force na magsumite sa kanya ng ulat, sa loob ng 60-araw mula sa paglalabas ng naturang kautusan.