24 lang meron sa Pinas
MANILA, Philippines — Mabilis lamang dapat matukoy ang may-ari ng Sports Utility Vehicle (SUV) na nahuling ilegal na gumamit ng EDSA bus lane dahil 24 lamang ang uri nito sa Pilipinas, ayon kay Senator Raffy Tulfo.
Sinabi ni Tulfo, Chair ng Senate Committee on Public Services, na nakausap niya si Land Transportation Office (LTO) Executive Director Greg Pua kasunod ng viral incident.
Kinumpirma ng LTO kay Tulfo na 24 lamang sa buong Pilipinas ang nagma-may-ari ng puting Cadillac Escalade kaya posibleng matutukoy pa rin ang may-ari nito.
Ang nasabing Escalade ay tumatahak daw sa Southbound patungong Ayala.
Sa hiwalay na pahayag nitong Lunes, sinabi ng LTO na peke ang lisensya ng luxury SUV na nagpapakita ng plakang ‘7’ na nakatalaga sa mga senador ng bansa.
Sinabi rin ni Department of Transportation Special Action and Intelligence Committee for Transportation Vice Chair Assistant Secretary Jose Lim IV, na bagaman at nakatakas ang driver, ang pasahero sa harap ng sasakyan ay nagbaba ng bintana kaya nakita ang kanyang mukha at posibleng isa itong security aide.
Nauna ng kinondena ni Senate President Francis Escudero ang insidente at hinikayat na lumutang ang may-ari ng SUV.
Hindi lang iligal na ginamit ng SUV ang bus lane, kundi muntik na umanong masagasaan nito ang isang traffic enforcer.