MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim dahil sa tulong na ibinigay sa Pilipinas para sa mga biktima ng bagyong Kristine.
Sa pag-uusap ng dalawang lider sa telepono, pinuri ni Pangulong Marcos ang deployment ng Malaysia ng Eurocopter EC-725 na naging mahalagang bahagi ng paghahatid ng agarang tulong sa mga komunidad na sinalanta ng baha.
Kasabay nito, pinagtibay naman ni Anwar ang dedikasyon ng Malaysia sa pagtulong sa Pilipinas sa tuwing mayroong krisis na parte ng mas pinalakas na samahan ng Association of Southest Asian Nation (ASEAN) sa pagtugon sa mga hamon sa rehiyon.
Ayon naman kay Pangulong Marcos, ang air support na ibinigay ng Malaysia ay nagbigay daan para marating ang mga lugar na patuloy na nahihirapan sa matinding pagbaha at naging dahilan din para makapaghatid agad ng tulong sa mga pamilyang hindi maabot kung wala ang suporta ng naturang bansa.
Anya, sa panahong ito ng pagluluksa para sa mga buhay na nawala, nakakataba aniya ng puso na makita kung paano tumugon ang mga kaalyado sa ASEAN sa oras ng pangangailangan.
Ang ganitong uri aniyang pagkakaisa ang nagpapalakas sa rehiyon.